TUNGO SA PINTO NG LIWANAG
Si Jacob ay
labing-pitong taong gulang. Siya ay may taas na 5’5”, at medyo payat na
pangangatawan. Maitim ang kanyang buhok at singkit ang kanyang mga mata.
Maputi ang kanyang kumpleksyon. Ang kanyang mahinahon na aura ang
siyang nagpapatingkad lalo ng kanyang hitsura.
Sa likod ng
kanyang maaliwalas na mukha ay may nakatagong karamdaman. Karamdamang
nagpapahina ng kanyang buong katawan, na ‘di naman niya iniinda. Lingid
sa kaalaman ng iba, siya ay may sakit sa puso dala ng madalas na kalungkutan na
dulot ng mapait na nakaraan.
Sa kabila ng
kanyang lumulubhang karamdaman ay ‘di niya itinigil ang kanyang pag-aaral.
Si Jacob ay kasalukuyang nag-aaral sa unibersidad ng lugar ng San Roque
kung saan siya lumaki. Bilang mag-aaral, siya ang tipong gusto halos
lahat ng oras na mapag-isa. Wala naman siyang nakakahawang sakit, hindi
naman siya mabaho, at lalong hindi sira ang kanyang pag-iisip. Katunayan
ay isa siya sa mga estudyante ng kanilang paaralan na nangunguna sa talino’t
karunungan. Bagama’t gusto niyang makisalamuha sa iba ay mas nais niyang
mapag-isa sapagkat dulot nito ay wagas na katahimikan, at mas mabuti’t malinaw
na kaisipan na siguradong makakamtan kung wala masyadong distraksyon. Oo,
para kay Jacob, ang pakikihalubilo sa iba ay pawang distraksyon lamang sa
malinaw na pag-iisip, lalo na pag ‘di matino ang pag-uusapan.
Anupanga’t dahil dito ay siya ang madalas
na laman ng usapan at katuwaan ng ibang estudyante. Binu-bully siya
ng mga ito, ika nga. Kung minsan, pag siya’y naglalakad sa alley pagkalabas
ng klasrum ay may bumabato sa kanya ng babol gam. Malagkit ito.
Wala siyang planong nguyain ito ulit, obvious na fresh pa
iyon galing sa bunganga ng iba. Dumikit iyon sa kanyang buhok, at siya’y
pinagtawanan ng mga nakakita. ‘Di na man niya ito pinansin. Inisip
na lang niya na kung mag-rereact siya na naaapektuhan siya ay mas
lalo siyang ibu-bully. Nung isang araw din ay hayagan siyang
sinuntok sa mukha ng isang babae. “Huwag mo na akong i-tekst bastos
ka! Manyak!”, sigaw na sabi ng dalaga na nanggagalaiti sa galit.
Hindi siya kilala ni Jacob, at mas lalong hindi niya hilig ang makipag-tekst
meyt. ‘Di kalayuan ay makikita ang isang grupo ng kalalakihan, kasing-edad ni
Jacob, na nag-uusap sabay ng mangiyak-ngiyak na tawanan. Anupa’t siya ay
napahiya na naman sa harap ng ibang tao na nakakita sa pangyayari. Ang
mga ito’y nagbubulungan. Ang iba’y pasimpleng nagtatawanan. Ang
iba’y nakaramdam ng awa.
Dumaan ang ilan pang mga segundo at
huwaring “nag-slow mo” ang kanyang mundo. Nang dahil sa hiya,
nanlabo ang kanyang paningin. Nanlamig ang kanyang dating mainit na mukha
na para bang aktwal na binuhusan ng napakalamig na tubig. Pilit niya
itong nilabanan, at palayong tumakbo ng mabilis. Singbilis ng isang usa na nais makatakas mula
sa mabangis na tigreng handang magpira-piraso sa kanya ng buhay. Wala
siyang magawa kundi ang umiyak. Humagulgol. Gusto niyang pigilan
ngunit ito’y bumaha na lang basta sa kanyang pisngi. Sa puntong iyon ay
gusto niya naman na mapag-isa. Walang tigil ang kanyang paghakbang.
Sa labas ng paaralan ay napatingin siya sa
isang karatula, “Naniniwala ka ba sa Diyos?”, ang mga salitang
nakasulat dito. At biglang napatigil ang pagtulo ng kanyang luha.
Siya’y nakaramdam ng sakit at matinding kalungkutan. Ito’y para bang
dumaloy na lang basta sa kanyang buong katawan. Gusto niyang matigil na
ang lahat ng sakit ngunit huwaring may tumutusok na alaala sa kanyang
puso. Magkahalong mapait at matamis na alaala na sabay tumitibok ng
kanyang puso’t pilit na nagbibigay ng kanyang nakaraan sa kanyang isipan.
Naaalala niya ang kanyang buong pamilya nung siya ay labing-limang taong gulang
pa.
Noon ay masaya silang
nagkukwentuhan. Ang kanyang mga kapatid na babae, ang isa ay
labing-walong taong gulang, at ang isa’y limang taong gulang, ay masayang
naglalampungan. Ang kanyang ama’t ina ay abot tenga ang mga ngiti habang
pinagmamasdan ang kanilang mga anak na ika nila’y mga biyaya ng langit.
Si Jacob ay walang dudang masaya rin. Kasiyahan na ‘di mapapantayan ng
kahit na anong materyal na bagay sa buong sanlibutan.
Sa araw din iyon ay nagplano ang buong
pamilya na magbakasyon sa bahay na kinalakihan ng kanilang ama (Sapagkat sa
panahong iyon ay walang pasok—Christmas break). Plano nilang doon
manatili ang buong pamilya ng dalawang linggo.
Sa kasunod na mga araw, bago ang bakasyon,
ay nagkaroon ng handaan sa kanilang bahay. Kaarawan iyon ni Jacob,
Disyembre 23 sa taong 2022. Bising-bisi ang pamilya na magsilbi’t
makisalamuha sa kanilang mga bisita. Para kay Jacob, punong-puno ang araw
na iyon ng panghabang-buhay na galak sapagkat sa araw din iyon ay nalaman niya
na si Hesus, ang Mesiyas at bugtong Anak ng buhay na Maykapal, ay maaari niyang
tanggapin na kanyang personal na Diyos at Tagapagligtas. Noon ay ibang
klaseng saya ang kanyang naramdaman. Kasiyahang ‘di pa niya nararanasan
sa tanang buhay niya. Alam niya na magiging ganap ang kanyang pagkatao
kung may Hesu Kristong maninirahan sa kanyang kaloob-looban— sa kanyang puso.
Matapos ang ‘di malilimutang kaarawan ay
dumating na rin ang araw ng kanilang biyahe. Nang dahil na rin sa
nakaraang selebrasyon ay nakaligtaang maghanda ng maaga ng pamilya para sa
lugar na pupuntahan. “Bilis, dapat na nating isaayos ang lahat ng
kailangang dalhin”, masiglang wika ng nakatatandang kapatid ni Jacob.
“Pagkarating agad dun ay maghahanda tayo ng maraming-maraming
pagkain para sa Noche Buena!”,
patuloy na sabi niya. “Opo ate. Maghahada na po (sabay hikab)”,
antok naman na tugon ni Jacob. Excited din siya pero medyo
matamlay nga lang dahil ‘di siya nakatulog ng maaga dulot ng napakagandang
handaan sa kanyang kaarawan.
Ang buong pamilya ay mabilisang naghanda
para sa inaasam na biyahe. Si Jacob ay naghanda rin ng kanyang dadalhin.
Ipinasok niya ang kanyang kamera sa kanyang bagahe.
Mahilig manguha ng litrato si Jacob. Ito’y para bang talentong dumadaloy
ng parang dugong nagbibigay buhay sa kanyang medyo payat na
pangangatawan. “Kung wala ito ay mawawalan ako ng sigla. Iiyak ang
araw noh pag ‘di ako nakakakuha ng litrato”, malambing na bigkas ni Jacob sa
kanyang mga maalalahaning magulang.
Libangan din ni Jacob ang pagpipinta ng
mga scenic na kapaligiran. Plano niyang gumuhit ng
magandang imahe ng lumulubog na kulay dugo’t dilaw na araw na nagbibigay kinang
sa malaking lawa na nakaupo malapit sa bahay-bakasyunan na kanilang
titirhan.
Hindi nagtagal ay natapos din ang kanilang
paghahanda.
Hindi maitago ng buong pamilya ang excitement at
saya habang sakay ng kanilang dyip na gamit nila sa biyahe. Nakataas ang
dalawang kamay ni Jacob at ng kanyang mga kapatid sabay sigaw ng
“wuhhhooo!!!” sa umiihip na malakas na hangin. Ang kanilang mga
magulang ay sadyang masaya at natutuwa sa mga ito. Mabilis ang takbo ng
kanilang sasakyan, at naging mabilis din ang mga sumunod na pangyayari.
Sa isang saglit ay ‘di na maramdaman ng
kanilang ama ang preno ng kanilang sasakyan. Pilit niyang tinitigil ang
mabilis na pag-usad ng rumaragasang dyip, ngunit 'di niya ito magawa.
Hanggang sa bumangga na lang ang sasakyan sa metal na hadlang sa gilid
ng matarik na daan na kanilang tinahak. Nahulog ang kanilang
sasakyan. Kasama nito ang kanilang buong pamilya.
Sa ibaba ng pinangyarihan, makikita ang mga
nakakaawang sitwasyon ng pamilya. Nalupasay silang lahat,
huwaring wala nang buhay. Sa loob ng tumirik na dyip ay makikitang naipit
ang paa ng kanyang ina at ang leeg nito sa ilalim ng upuan ng sasakyan.
Ang ama’y natapon sa labas ng dyip, maging si Jacob at ang kanyang mga
kapatid. Ang lahat ay duguan sa ulo at ibang parte ng katawan.
Ang lahat ng pamilya, maliban kay Jacob,
ay nagsimulang magkamalay. “Saklolo! Tulungan nyo po kami!!” agad
na pilit isinigaw ng sugatang si Jacob. “Parang awa nyo na po.
Tulungan nyo po kami!!”, patuloy na daing ng umiiyak na binata.
Ilang minuto pa’t may dumaan na
kotse. Nagkataong napatigil ito nang dahil sa nakitang mga bagay na
natapon sa daan. Nakita rin ng estrangherong drayber na nasira ang isang
parte ng metal na hadlang sa tabing daan kung kaya’t tumigil ito at
nagmasid. Sa ibaba ay nakita niya ang nahulog na sasakyan, at ang mga
naaksidente. Umalingawngaw ang nakakaawang sigaw ni Jacob kung
kaya’t madali niya itong nakita. Duguan sa ulo’t bali ang kaliwang braso
ng nalupasay na binata. Agad kinuha ng butihing estranghero si Jacob at
ang kaniyang maliit na kapatid na nakadapa malapit sa kanya. Ilang
hakbang pa sa lugar ng aksidente ay napatapon silang ulit. Hindi
inaasahang sumabog ang sasakyang dyip na lulan ng kanilang pamilya. Hindi
maipinta ang reaksyon ni Jacob. Hindi niya matanto ang mga
pangyayari. Hindi siya makapaniwala. Isip niya’y tila panaginip
lang ang lahat. Napakasamang panaginip— bangungot! Gusto niyang
magising.
Humagulgol na lumayo si Jacob sa
lugar na iyon. Dinala ng estranghero sa ospital sina Jacob at ang
kaniyang maliit na kapatid; ang kanyang maliit na kapatid na nung araw din iyon
ay pumanaw bago pa man makarating sa lugar-pagamutan. Sadyang napakalupit
ng tadhana kay Jacob. Noong una ay ‘di niya lubos maisip ang buhay na
wala ang kanyang buong pamilya. Ngayon ay hampas mukhang nilalasap niya
ang sakit nang pagkawala nilang lahat. Sa isang iglap ay nawala ang
kanyang mga minamahal higit pa sa kanyang sariling buhay.
“Naniniwala ka ba sa Diyos?”, ang
babasahing kanyang nakita pagkalabas ng paaralan. Ang kanyang
sagot? Oo. Naniniwala si Jacob na may Diyos. Diyos na buhay
na nagmamahal sa kanya ng lubos. Sa kabila ng mga nangyari sa kanya ay
hindi siya nawalan ng pag-asa. SIYA, ang nagsilbing lakas niya na lumaban
pa sa buhay.
Sa ‘di inaasahang pagkakataon ay namasdan
ni Jacob muli ang kanyang buong pamilya. Hindi siya makapaniwala.
Kinurot niya ang kanyang pisngi upang malaman kung iyon nga ba’y isang
panaginip lamang o hindi. Pilit niyang nililinis ang kanyang mga mata
ngunit ganun pa rin. Totoo. Totoo ang lahat!
Nung una akala niya’y pinaglalaruan lamang
siya ng kanyang mga pandama (senses), ngunit ‘di pala. Napaiyak si Jacob
na napayakap sa kanyang buong pamilya. Ang kanyang ama, ina at mga
nagagandahang kapatid, ay ‘di mandin mailarawan ang saya na makita siya.
At sila ay nagkuwentuhan, gaya ng dati. May ngiti ang kanilang mga
labi, gayundin ang kanilang mga mata. At mula sa lugar na kanilang kinatatayuan
ay sabay nilang tinahak ang daan tungo sa malaking pinto ng liwanag.
Tungo sa lugar na napakalayo, lugar na napakasaya. Lugar na wala anumang
sakit na madarama. Lugar, na ang tawag ay Langit.
(Sa labas ng paaralan ay namatay si Jacob dahil sa atake sa puso)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento